Ramdam ang Kaunlaran?
Malaking kahungkagan at pang-iinsulto ang pagpopostura ni Arroyo na umano’y “ramdam ang kaunlaran” pagkat malinaw na kabaliktaran ang nararanasan ng taumbayan sa kasalukuyan. Walang kasingtinding kahirapan, kagutuman at pambubusabos ang idinudulot ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, pagkain at mga batayang serbisyo’t bilihin, kasabay ng higit na pagliit ng kita at kabuhayan ng mamamayan.
Hindi maikakaila ng rehimeng US-Arroyo ang pananagutan niya sa kasalukuyang krisis na dulot ng kanyang sagad-sagaring pagkatuta at anti-mamamayang mga patakaran sa ekonomiya, isabay pa ang sobra-sobrang kurupsyon at todong panunupil sa desperasyong manatili sa pwesto.
Sa kasalukuyan, binabayo ang bayan ng krisis na dulot ng bulok na katangian ng sistemang panlipunang mala-kolonyal at malapyudal. Higit pa itong sumasahol sa patuloy na pagsalanta ng “globalisasyon” at mga pakana para todo-todong pagsasaan ng dayuhang imperyalismo ang ating bayan. Ito ang delubyo na naglulubog sa mamamayan sa higit na krisis at kabuhayan.
TUMITINDING PAMBUBUSABOS SA KABATAAN AT MAMAMAYAN
Hindi na makayanan pa ng gobyernong maitago sa mga gawa-gawang istatistika ng pag-unlad ang kaaba-abang kalagayan ng mamamayan. Wala nang ibang inaasahan ang mamamayan sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo kundi ibayo pang kahirapan at papatinding krisis sa ekonomiya.
Walang habas na pagtaas ng presyo ng langis at LPG
Hindi maampat ang pagtaas ng presyo ng langis na lingguhang tumataas na P1 hanggang P1.50 kada litro. Aabot na sa P58 kada litro mula sa mahigit P44.50 lamang noong pagpasok ng 2008 ang presyo ng unleaded gasoline, habang nasa P51 mula sa P37 lamang ang presyo ng diesel. Kalahati pa lamang ng taon, nagtaas na ng 16 beses sa halagang P13.60 sa gasolina at P12.50 sa diesel. Katumbas na ito ng halos doble nang itinaas noong buong taon ng 2007 na aabot lamang sa P7.20 sa gasolina at P5 lamang sa diesel.
Ayon sa mga kumpanya ng langis, aabot pa sa P11 ang nakatayang pagtaas sa mga susunod na linggo. Tinatayang aabot sa P70 kada litro ang presyo ng gasolina at P60 kada litro ang diesel sa susunod na buwan.
Samantala, apektado ng pagtaas na ito maging ang presyo ng LPG, na ngayong tao’y nadagdagan na ng P29.20 kada kilo ang o mahigit P300 ang kada tangke. Napakalaki nito kumpara sa P7 kada kilo lamang na nadagdag noong 2007.
At dahil istratehiko ang papel ng langis sa pagpapatakbo ng ekonomya, kapag tumataas ang presyo nito, tumataas din ang halaga ng produksyon kaya napipilitang magsara ang maliliit na empresa at lumolobo ang bilang ng mga manggagawang nawawalan ng trabaho. Tumataas din ang mga pangunahing bilihin at serbisyo at lumalaki ang gastusin sa pamumuhay.
Sinisisi ng gubyerno at ng mga kartel sa langis ang pagtaas ng presyo sa pandaigdigang palitan na umaabot sa mahigit na $139 kada bariles ng krudo noong Mayo. Gayunpaman, hindi ito sapat na dahilan para sa walang habas na pagtataas ng presyo ng langis. Ang tunay na dahilan ng pagtataas ng presyo ay ang overpricing at artipisyal na pagtataas ng presyo ng langis sa pagkokontsabahan ng monopolyo kartel sa langis.
Tinatayang aabot sa P19B ang pinagsama-samang kita ng mga kumpanya ng langis taon-taon. Ibig sabihin, kumikita ang isang kumpanya ng mahigit P600,000 kada isang oras!
Kakontsaba ng mga kartel ng langis ang rehimen sa pagnanakaw nito sa mamamayan sa pamamagitan ng patuloy na pagpapatupad ng Oil Deregulation Law, at hindi pagkontrol ng gubyerno sa presyo ng langis.
Patong-patong na pasakit sa kuryente at tubig
Nitong Abril 2008, tumaas ng P0.52/kwh ang generation charge at P0.08/kwh naman sa transmission charge ng MERALCO. Ang sobrang taas na singil ang nagbunsod sa moro-morong panggigipit na ginagawa ng gubyerno sa Meralco na ang may-ari ay kilalang mga kaaway ng rehimen.
Sa batuhan ng putik ng gubyerno at Meralco, nalantad ang patong-patong at di-makatuwirang mga bayarin na ipinapapasan sa mamamayan. Nalantad ang pagpapapasan ng systems loss at iba pang mga bayarin ng Meralco, sa isang banda at ang maanomalyang kontrata ng NAPOCOR at matinding pagkatas ng EVAT ng gubyerno sa kabila.
Kung susumahin, mahigit P30B ang overpricing ng MERALCO na iniutos ng Korte Suprema na ibalik sa mamamayan. Bukod pa ito sa mga naunang naibalitang P427.5 M pansariling konsumo taon-taon ng MERALCO at P12.99 B “ghost deliveries” (mga kuryenteng hindi naman nagamit ng konsyumer) na ipinapasa ang pagbabayad sa mga konsyumer. Ang VAT naman na kinukulimbat ng gobyerno ay umaabot ng 93 centavos/kwh. Ibig sabihin, para sa nakararaming pamilyang kumokonsumo ng 200 kwh sa isang buwan, mahigit P186 ang dumadagdag sa buwanang bayarin sa kuryente dahil sa VAT.
Sa totoo’y ang ugat ng matinding pagtataas ng bayarin sa kuryente ay ang kuntsabahan ng gubyerno at ng mga kumpanya ng langis na ipinapatupad sa pamamagitan ng Electric Power Industry Reform Act o EPIRA na nagpapatupad ng deregulasyon at pribitisasyon sa kuryente. Ang pagsasalimbayan ng EPIRA at VAT ang siyang nagtitiyak na deretso sa bulsa ng iilang pamilya ang kinikita ng mga mamamayan.
Samantala, nakaamba din ang pagtaas ng singil sa tubig ng 22 centavos per cubic meter ngayong taon dahil sa pagtaas umano ng dolyar. Sa totoo, ipinapasa sa taumbayan ang utang na dapat ay binabayaran ng mga kumpanya ng tubig. Probisyon ito na pinapayagan ng gubyerno nang itulak ang pribatisasyon ng industriya ng tubig.
Papalalang kagutuman dahil sa krisis sa bigas at pagkain
Ibayo ang kagutuman dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin at ang kawalan ng konkretong programa ng gobyerno para resolbahan ang mababang produksyon ng bigas at iba pang pagkain para sa konsumo ng mamamayan.
Walang habas ang pagtaas ng presyo ng langis maging ang presyo ng bigas at iba pang pagkain. Noong Nobyembre 2007, sa unang pagsirit ng napakataas na presyo ng langis, tumaas na mula P24.49 tungong P30.00 kada kilo ang fancy rice, habang halos P2.50 ang itinaas ng ordinary rice. Sa kasalukuyan, pumapalo na sa P38 hanggang P42 ang presyo ng ordinary rice. Ang fancy rice naman ay umaabot na sa P51.
Nagkakagulo ngayon sa Mindanao dahil umabot na sa P50 kada kilo ang bigas, habang sa ibang lugar ay P65 na ang presyo. Ito ay sa kabila ng pahayag ng Malakanyang na ‘under control’ na raw ang suplay sa bigas.
Tinitiis ng mga mamamayan ang napakahabang pila sa mga lansangan para lamang makabili ng murang bigas mula sa NFA. Ngunit kahit ang NFA rice ay tataas pa mula P18.25 patungong P25 dahil mas mahal na raw ang inangkat nitong bigas.
Umaabot naman sa P10 ang itinaas ng bawat kilo ng manok at 25 sentimos sa itlog ng manok. Ang bawat kilo ng bangus na dating P65 ay umabot na sa P80, habang P10 ang itinaas ng bawat kilo ng tilapia. Ang galunggong na nabibili ng P80/kilo nakaraang taon ay umaabot na sa P100/kilo ngayon.Tumaas din ang presyo ng mga gulay dahil na rin sa paglaki ng gastos pangunahin sa transportasyon.
Pilit pinaniniwala ng rehimeng US-Arroyo ang mamamayan na tinutugunan nito ang krisis sa pamamagitan ng papalaking importasyon ng bigas. Pero bigo ang National Food Authority kahit sa pinakahuling pagtatangka nitong makapag-angkat ng 675,000 metriko tonelada (MT) ng bigas, ang tinatayang kailangang suplay para sa mga nalalabing buwan ng taon. Iisang kumpanya lamang mula sa Vietnam ang lumahok sa bidding ng NFA na indikasyon na hindi humuhupa ang krisis.
Samantala, aminado rin maging ang administrasyong Arroyo na hindi nito kayang panindigan ang tuluy-tuloy at mas malalaking pag-aangkat ng bigas dahil lolobo ang depisito sa badyet ng gobyerno. Ang solusyon nito ay hikayatin ang pribadong sektor na palakihin ang inaangkat nilang bigas na lalo lamang palalakasin ang kontrol ng mga lokal na kartel sa bigas sa pagdidikta ng presyo sa lokal na pamilihan.
Ang totoo’y hindi nalutas at hindi kailanman malulutas ng pag-import ng suplay ang krisis sa bigas. Tulad ng iba pang mga panukala at programa, panandalian at walang tunay na solusyong naipataw ang gobyerno sa krisis sa bigas. Tiyak pang tataas ang presyo ng bigas kapag pumasok na ang bansa sa “lean months” o mga buwang walang ani.
Lalo lamang lumulubha ang pagsandig ng Pilipinas sa pandaigdigang pamilihan kung saan peligroso ngayon ang kalagayan ng suplay at napakataas ng presyo. Dahil lalong umaasa ang bansa sa pag-aangkat upang tugunan ang kakulangan ng lokal na produksyon ng bigas, tumitindi ang kawalan ng seguridad sa bigas ng bansa. Lumala ito nang husto nitong mga nakaraang buwan nang lalong humigpit ang sitwasyon ng suplay sa pandaigdigang pamilihan at sumirit pataas ang pandaigdigang presyo ng bigas.
Kaya naman mahigit 40% o 7.1 milyon pamilyang Pilipino ang nakararanas ng matinding gutom ngayong taon na ito ayon sa isinagawag survey ng SWS. Malayo ito mula sa 34% na naitala noong huling kwarto ng 2007. Sa parehong survey na ito ay naitala din ang walang kapantay na tantos ng kahirapan na umaabot sa 50% o mahigit 9 milyong pamilya.
Pagtaas ng matrikula, krisis sa eskwela
Kumakaharap maging ang sektor ng edukasyon sa pinakamatinding bayo ng krisis ngayong taon. Sa kabila ng mga propaganda na “libre” ang matrikula sa elementary at high school, aabot pa rin sa halos P20,000 ang kinakailangan gastusin para sa isang estudyante sa isang taon, labas pa sa mga bayarin at gastusin sa skwela.
Sapilitang nagbabayad ng mga PTA fee, Red Cross fee at iba pang ‘voluntary’ fees ang mga estudyante sa hayskul. Pagkatapos ng Hunyo, tiyak ding pagbabayarin ang mga estudyante para sa mga workbuk, test paper, bayad sa mga guard at janitor, at kung anu-ano pang bayarin.
Pinasisinungalingan din ng mga dagdag-singil sa pampublikong paaralan at state colleges and universities (SUCs) ang pahayag ni Arroyo para sa isang ‘tuition hike freeze’ para sa taong ito. Nananatiling P1000 ang matrikula sa Unibersidad ng Pilipinas, na nauna nang magtaas ng 300 porsyento ang matrikula noong nakaraang taon. Tataas din tungo sa P1,500-P2,000 ang dating P500-P800 na mga laboratory fee. Gayundin, may bagong singil na P250 developmental fee at P800 energy fee sa Polytechnic University of the Philippines.
Samantala, nananatiling abot-langit naman ang halaga ng edukasyon sa mga pribadong eskwelahan bunsod pa rin ng patakarang deregulasyon ng matrikula ng pamahalaan na ipinapatupad ng Commission on Higher Education (CHED). Sa mismong datos ng CHED, 378 pribadong kolehiyo at unibersidad ang nagtaas ng matrikula ng 10.07 porsiyento. Bukod pa ito sa mga di-maipaliwanag na mga bayarin tulad ng energy fee, development fee at iba pa.
Sobrang taas na nga ng mga bayarin, bulok at kulang-kulang pa rin ang mga pasilidad.
“Kung tutuusi’y mas mahal pa ang isang bala ng M16 na nagkakahalaga ng P14 sa ginagastos ng gubyerno sa isang estudyate kada araw na aabot lamang ng P11.”
Sa batayang antas, hindi na nakakagulat na gagamitin na namang silid-aralan ang mga hagdanan, ilalim ng puno, at kahit mga lumang palikuran. Pilit pang pinagtakpan ito ng Department of Education (DepEd) at ng pamahalaang Arroyo sa pagpapatupad ng double shift sa paggamit ng mga silid-aralan, na umaabot pa sa apat na shift sa ibang malalaking paaaralan. May mga paaaralan ding pinagsasama ang mga magkakaibang grade level sa iisang classroom dahil sa kakulangan ng silid-aralan. Kahit sa mga ganitong hakbangin, nananatiling kulang pa rin ng 41,905 classroom ang mga pampublikong paaralan sa buong bansa ngayong taon, ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Tila nananaginip din ang DepEd sa pagsasabing magiging 1:1 na ang textbook-pupil ratio ngayong taon. Noong nakaraang taon lamang, nasa 25 milyon ang tinatayang kakulangan sa textbook. Ayon pa rin sa ACT, kulang din ng halos 25,240 guro ang mga pampublikong paaralan para sa taong ito.
Kada taon, lumalaki ng 2.3 porsiyento ang bilang ng mga kabataan na nasa hustong gulang para pumasok sa paaralan. Subalit kasabay ng paglobo ng populasyon ng mga inaasahang papasok sa eskwela ay ang patuloy na pag-abandona ng gobyerno sa sektor ng edukasyon at paglobo naman ng gastusin sa eskwela.
Sa mismong sarbey ng gobyerno, isa sa bawat tatlong kabataang Pilipino na nasa edad 6 hanggang 24 ang nag-drop out o hindi pa nakatuntong sa paaralan. Tinatayang 11.6 miyong Pilipino or 34 porsiyento ng nasabing age bracket ang hindi pa nakakapasok o tuluyan nang di makakapasok sa eskwelahan. Pangunahing dahilan ng paglobo ng dropout rate at bilang ng mga out-of-school youth ay ang walang ampat na pagtaas ng mga bayarin sa eskwela, patrikular na sa antas ng kolehiyo.
Sa dami ng binabayaran sa kolehiyo, hindi rin nakakapagtaka na karamihan sa mga pinakamalalaking unibersidad sa bansa ay kabilang sa pinakamalalaking mga korporasyon hindi lamang sa bansa kundi sa buong Asya. Kabilang sa mga ito ang University of the East, Asia Pacific College, Centro Escolar University, De La Salle at Mapua. Higit pang makapangyarihan ang mga may-ari ng mga pribadong eskwelahan ngayon dahil sa pagbawi ng Malakanyang at CHED sa tuition cap o ceiling na dapat sana ay kokontrol sa kanilang pagpataw ng walang habas na pagtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa mga estudyante.
Kung talagang sinsero ang pamahalaan na maibsan ang kalagayan ng mga estudyante at tugunan ang mga suliranin sa sektor ng edukasyon, hindi nito bibigyan ng dahilan ang mga unibersidad na tulad ng UP na magtaas ng matrikula bunsod ng pangkalahatang programa ng komersyalisasyon at pribatisasyon ng edukasyon sa bansa.
Mumong pasahod
Walang pambili ng pagkain. Walang pera pang-enroll. Makapag-enroll man, hirap naman sa baon, pamasahe at mga panggastos para makapagpatuloy sa pag-aaral. Ang ganitong kalagayan ang nagtutulak sa maraming kabataan na tumigil sa pag-aaral at magbakasakaling makadagdag sa panggastos ng kanilang pamilya.
Ayon sa komputasyon ng IBON, aabot sa P871 ang arawang kailangan ng isang pamilya. Sa kasalukuyan, P345-382 ang arawang minimum na sahod sa NCR, at mas mababa pa dito kung nasa probinsiya.
Insulto sa mga manggagawa ang P20 na dagdag-sahod na ibinigay noong ika-14 ng Hunyo – P15 dagdag-sahod at P5 lamang na cost-of-living-allowance o COLA. Tulad ng mga ipinamumudmod na mga subsidyo ng gobyerno, hindi sapat ito para maibsan ang araw-araw na pasanin ng mamamayan sa kabuhayan.
Hindi pa man rumururok ang pagtaas ng bilihin, umabot na sa 9.6% ang inflation rate, pinakamataas sa loob ng siyam na taon. Ang pagkain pa lang, tumaas na ng 14.3% noong Mayo kung ikukumpara noong nakaraang taon. Tinatayang higit pang tataas ang tantos nito ngayong darating ng mga buwan.
Kaya naman todo-todong paghihigpit ng sinturon ang ginagawa ng mga pamilyang Pilipino upang pagkasyahin ang kanilang kakarampot na kita sa bawat buwan. Sa tindi ng paghihigpit ay binabawasan na ng mga pamilya ang inilalaang pera para sabihing sapat na nilang nairaraos ang mga batayang pangangailangan
Ayon sa tala ng National Statistics Coordination Board (NSCB) at SWS, ang poverty threshold sa Metro Manila, o ang hinahabol na kitain ng isang pamilya para lamang mairaos ang kanilang batayang mga pangangailangan, ay pumapatak sa P10,000. Gamit ang naitalang Consumer Price Index na 149.8 (na ang baseline na taon ay 2000), ang mabibili sa halagang P10,000 noong 2000 ay P14,980 na ngayon. Ibig sabihin, tinitipid ng P4,980 ng mga pamilya ngayon ang kanilang gastusin upang pagkasyahin lamang ang parehong halagang ginagastos noong 2000.
Ang pagtitipid na ito ang kumain sa panggastos sana sa bahay, edukasyon, gamot at ibang pangangailangan.
Kaya naman karaniwan na sa mga pamilya ang magdagdag ng bilang ng nagtatrabaho upang makadagdag sa iba pang gastusin, kabilang na ang pagpapahinto sa mga anak sa pag-aaral upang sila’y maghanapbuhay. Ngunit huminto man sa pag-aaral, wala naman makukuhang trabaho ang malaking bahagi ng kabataan. Sa Labor Force Survey noong Enero 2008, 5 sa bawat 10 walang trabaho ay nabibilang sa edad 17-24.
Ayon sa pag-aaral, sa bawat 10% pagtaas ng presyo ng mga bilihin, madaragdagan ng higit sa 2.3 milyon ang bilang ng naghihirap na Pilipino. Higit dito ang bilang na madaragdag kung ikokonsiderang higit na sa 10% ang itinaas ng presyo ng mga produkto at tataas pa ito sa mga susunod na buwan.
Sinusubukan ng rehimen na pagtakpan ang pananagutan nito sa krisis sa pamamagitan ng mga walang silbing propaganda kaakibat ang pagbibigay ng mga subsidyo na kinuha sa VAT. Ngunit anumang pagtatangkang gawin ni Arroyo’y hindi nito mapagtatakpan ang katotohanang ang kanyang mga palsong patakaran, pangangayupapa sa dayuhan at sobra-sobrang pangungurakot ang salarin ng kasalukuyang krisis.
Pahirap na VAT
Isa sa mga pinakamapinsala at pabigat na patakaran ng rehimeng Arroyo ang pagpataw ng Value Added Tax sa mga pangunahing bilihin, partikular na sa mga produktong petrolyo.
Ayon sa Kontra-KulimVAT, tinatayang P18 bilyon ang kikitain ng gobyerno sa VAT sa langis para sa taong ito, habang P5.47 milyon kada araw ang nakokolekta nito sa bawat P1 kada litrong pagtaas ng presyo ng langis.
Lubhang napakalaki ng epekto ng sinisingil na VAT (Value Added Tax) sa langis, kuryente at iba pang bilihin. Dobleng bayarin ang pinapasan ng mga mamamayan sa bawat pagtaaas ng presyo dahil sa VAT.
Kaya naman walang maituturing na mapagpasyang aksyon upang pigilan ang pagtaas dahil nangangahulugan ito ng pagtaas ng nahuhuthot ng gobyerno na VAT.
Ang mas malaking kita ng rehimeng Arroyo ang siya namang gagamitin nito para mang-akit (collateral) sa mga dayuhang pautang na siyang pinakainaasahan nito sa pambansang pondo. Noong 2006, halimbawa, itinala ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) na nakapangolekta ang gobyerno ng average na P4.34 kada litro mula sa VAT sa mga produktong petrolyo. Ngayon taon, tinatayang madadagdagan pa ito ng 72 sentimos kada litro dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis. Ang pinakamasakit, ang kitang ito ay pawang nakukulimbat sa bulsa ng mga konsumer at mamamayan na sadsad na nga sa lingguhang pagtaas ng presyo ng langis sa pamilihan.
Samantala, patuloy namang isinasawalang-bahala ng administrasyong Arroyo ang panawagan ng kabataan at mamamayan na kanselahin ang VAT sa mga produktong petrolyo.
Pilit ‘pinapabango’ ang VAT sa mamamayan sa pamamagitan ng programang ‘KATAS ng VAT’ para diumano’y makatulong sa pantawid-gutom, bayarin at matrikula ng mamamayan. Halimbawa nito ang P2 fuel subsidy, one-time P500 cash subsidy, at ang karagdagang mga iskolarship na mula daw sa kita ng VAT.
Ngunit sa katotohanan, kabalintunaan ang kaayusang ‘konsyumer rin ang aalalay sa mismong kosyumer’ na konseptong ito. Sa ganitong kaayusan, walang tulong na naiaambag sa aktwal ang gobyerno. Doble-pahirap at doble-pabigat lang ito sa bulsa ng taumbayan.
Hindi magawang tanggalin ng gobyerno ang VAT dahil ayon mismo sa pahayag ng Department of Finance (DOF), wala raw ibang panggagalingan ang 2008 budget kundi ang VAT. Sa halip raw na kanselahin ang VAT, iminungkahi ng DOF na ‘gamitin na lamang daw ang VAT para sa mga gastusing magpapagaan sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga mahihirap nating kababayan.’
Gayunpaman, nananatiling di hamak na mabigat na pasanin para sa mamamayan ang dagdag-bayaring VAT.
Ayon sa Bayan, makakatipid ng P5.83 kada litro sa unleaded gasoline, P5.29 sa kerosene, P4.98 sa diesel, at P68.83 kada 11-kilogram cylinder tank and mga konsyumer kapag kinansela ang VAT sa langis. P160-360 din ang mababawas sa mga gastusin sa monthly electric bill kapag tinanggal ang VAT sa kuryente.
At nananatiling ang kanselasyon ng VAT sa langis ang siyang pinakamabilis na magpapababa sa presyo ng langis sa kasalukuyan at magbibigay ng taktikal na ginhawa sa kabuhayan ng mamamayan.
Kapag bumaba ang presyo ng langis at kuryente, maaari din bumaba ang iba pang bilihin.
Sa kasalukuyan, mayroon nang dalawang panukalang batas na nakahain sa Senado na naglalayong isuspindi ang VAT sa langis – ang Senate Bill (SB) 1962 ni Sen. Mar Roxas para sa pagkansela sa VAT sa langis sa loob ng 6 na buwan; at ang SB 1977 naman ni Sen. Miguel Zubiri na nagpapanukalang i-exempt ang mga produktong petrolyo (at kuryente) sa koleksyon ng VAT. Ang dalawang panukalang batas na ito ay pawang pending sa ways and means committee ng Senado simula pa noong Disyembre noong nakaraang taon.
Sa Kongreso naman, naghain ang Gabriela Women’s Party ng House Bill 3442 para sa kanselasyon ng VAT, habang pagtanggal sa VAT sa mga produktong petrolyo ang laman ng panukala ng Bayan Muna. Wala pa ring nakatakdang pagdinig para sa mga panukalang nabanggit.
Pangangayupapa sa dayuhan at mga neoliberal na patakaran
Bunsod ng pagsahol ng krisis ang pagpapatupad at pangangayupapa ni Arroyo sa mga neo-liberal na patakarang deregulasyon, liberalisasyon at pribatisasyon sa ekonomiya. Todo-todong pinagbibigyan ang dayuhang kapital at mga lokal na naghaharing-uri sa paghutot ng dambuhalang tubo na kinakatas mula sa mamamayan. Higit na ibinubugaw ang ekonomiya at ibinubuyangyang ang mamamayan sa pagsasamantala ng dayuhang kapital. Tinatanggal ang regulasyon sa presyo ng mga batayang bilihin, ibinebenta ang mga serbisyo at mga pag-aari ng gubyerno, binibigyang laya ang pagpasok ng kapital at produkto ng walang anumang kontrol.
Sa industriya ng langis, halimbawa, salarin ang Oil Deregulation Law sa deregulisado at malayang pagmonopolyo ng mga dambuhalang kumpanya ng langis sa naturang industriya. Dahil dito, walang kontrol ang gobyerno sa anumang ipapataw na pagtaas ng presyo, kahit pa bunga lamang ito ng ispekulasyon at artipisyal na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Samantala, pribatisado naman ang mga batayang industriya tulad ng kuryente at maging bigas, mga dahilan kung baket walang kontrol ang gobyerno mula sa pagsuplay, pagpataw ng presyo at hanggang sa distribusyon ng mga ito.
Gayundin sa sektor ng edukasyon, nananatili ang patakarang deregulasyon sa matrikula na walang ibang pinagsisilbihan kundi ang interes ng mga kapitalista-edukador habang todo-todong binabawasan naman ang badyet para sa edukasyon. Education Act of 1982 ang isa sa mga matagal nang salarin sa paglala ng krisis sa sektor, na magpahanggang ngayon ay hindi pa rin natatanggal at napag-aaralan. Itinutulak ng batas ang tuwirang pagdederegulisa sa pagtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa loob ng mga paaralan at pamantasan.
Sa ilalim ni Arroyo natala ang pinakamaraming binentang mga ari-arian ng gubyerno na sa loob ng isang taon na umabot sa P90.6B noong 2007. Halos katumbas na ito ng lahat ng ibinenta sa 15 taon sa ilalim ng tatlong nagdaang rehimen.
Si Arroyo din ang pangunahing nagtulak na pumasok ang Pilipinas sa WTO, na higit na nagtulak sa bansa na pumaloob sa mga di pantay na kasunduan sa mga malalaking bayan.
Lalong winasak ng mga patakarang makadayuhan ang ekonomiya ng bansa, na dahilan ng higit na pagbaba ng produksyong agrikultural ng bansa na nagdudulot ng higit na pagbagsak ng kakayanan na lumikha ng sapat na pagkain para sa mamamayan. Mayor na salik ito sa dinadanas krisis sa pagkain at bigas sa kasalukuyan.
Sobrang korupsyon
Ang matinding krisis sa ekonomiya ay pinapasahol pa ng malakihang pagnanakaw sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng mga maanomalyang kontrata at pagmamanipula sa pondo ng gobyerno, tulad ng ating nakita sa NBN-ZTE deal, Fertilizer scam at di na mabilang na kaso ng korupsyon na kinakasangkutan ng pamahalaang Arroyo.
Ang pondo na sana’y nailalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng kabataan at mamamayan ay nauuwi sa bulsa ng iilang ganid sa Malakanyang. Ang ZTE-NBN deal pa lamang na nagkakahalagang $329M, ay katumbas na ng 24 taon na pondo para sa PUP. Isa lamang ang kontrobersyang ito sa mahabang listahan ng mga kinurakot ni Arroyo na katumbas na ng bilyon-bilyong piso. Kasama sa mga pangungurakot na kinasangkutan ni Arroyo ang Jose Pidal Scandal (P321M), Diosdado Macapagal Blvd Overpricing (P536M) Fertilizer Scam (P728M), IMPSA (P700M), PAGCOR, PhilHealth Cards, JanCom Contract, Jueteng at marami pang iba.
Pampulitikang panunupil
Dahil desperadong manatili sa pwesto sa harap ng hindi maampat ang krisis panlipunan, ginagawa ni Arroyo ang lahat para pigilan ang pagpapatalsik sa kanya sa pwesto.
Kasabay ng paghagupit ng krisis sa kabuhayan ang nakaambang muling pagsidhi ng krisis sa pulitika dahil pa rin sa nagpapatuloy na tunggalian ng mga naghaharing paksyon sa gobyerno. Kamakailan lamang ay muling nauungkat ang tuwirang pagkakasangkot ni Arroyo at FG Mike sa NBN-ZTE deal. Nailantad ang mga incriminating na mga larawang nagpapatunay na mismong si Arroyo ay may kinalaman sa pagsusulong ng kasunduan. Pinakahihintay ngayon ang pangakong pagtestigo at pagsasambulat ni dating Speaker Jose de Venecia sa darating na Senate hearings.
Subalit hindi pa man siya nagsasalita, kaliwa’t kanan na ang tangka ng Malakanyang upang siraan ang kanyang kredibilidad, tulad rin ng ginawang paninirang-puri kay ZTE star witness Engr. Rodolfo ‘Jun’ Lozada, at maging kay ZTE whistle-blower Joey de Venecia III.
Patuloy na paglabag at pagkitil sa karapatang-tao ng lumalabang mamamayan, lalo na sa mga kilalang lider at aktibistang tumutuligsa sa kanya. May tala ang KARAPATAN ng 13 biktima ng extra-judicial killings, 6 na biktima ng pagdukot, 5 kaso ng pagtortyur at 25 kaso ng iligal na pag-aresto sa unang kwarto para lamang ng 2008.
Muling sumasambulat ang sunud-sunod na kaso ng pagpatay, pagdukot, pananakot, militarisasyon sa kanayunan at lunsod; maging ang pagsampa ng mga gawa-gawang kasong kriminal sa mga mga lider-aktibista at kasapi ng mga organisasyong masa. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin inililitaw ang dalawang mga mag-aaral ng UP na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan na dinukot ng mga militar 2 taon ang nakararaan.
Ayon sa KARAPATAN, may 903 nang biktima ng pagpatay at 193 na biktima ng pagdukot mula nang umupo si Arroyo sa pwesto noong 2001.
UGAT NG KRISIS: BULOK NA SISTEMANG PANLIPUNAN
Ang kasalukuyang krisis sa kabuhayan at maging sa pamahalaan ay nakaugat sa kinakatawan ni Arroyo na bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal ng lipunang Pilipino. Patuloy na sakmal ng dayuhang kapangyarihan ang ating ekonomiya at gubyerno, habang nananatiling atrasado ang ating produksyon.
Higit pang pinalalala ang mala-kolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino sa sagad-sagaring pagkatuta ni Arroyo sa dayuhan at desperasyon na makapanatili sa pwesto. Walang ibang dulot ito kundi papatinding kahirapan, kagutuman, pambubusabos at panunupil sa mamamayan.
Nananatiling sakmal ang bayan ng tatlong batayang suliranin: Imperyalismo, Burukrata-kapitalismo at Pyudalismo. Ito ang dahilan kung bakit ang kayamanan ng bayan ay nakokonsentra lamang sa iilang naghahari at mga dayuhan habang mayorya naman ng mamamayan ay lubog sa kumunoy ng krisis at kahirapan.
Kaharap ang ganitong kalagayan, walang ibang rekurso si Arroyo kundi ang maghayag ng mga ampaw na pangako at panandaliang lunas sa likod ng patuloy na paghikayat sa dayuhang pangangapital at patuloy na pag-eeksport ng produkto, serbisyo at pwersang paggawa. Ang tanging tunguhin ng gobyerno ay ang patuloy na pagkamal ng kita sa pamamagitan ng pag-udyok sa dayuhan at pribadong kapital kapalit ng kagalingan ng mga lokal na industriya at mga manggagawa. Kaya naman gayon na lang rin ang pagpupumilit ni Arroyo at ng kanyang mga kasapakat na pumasok ang bansa sa mga kasunduang lantarang nagbebenta at nagpapahamak sa mga likas-yaman ng bansa.
Ibinebenta rin sa napakamurang halaga ang pwersang paggawa ng mga Pilipino sa mga business process outsourcing (BPO) tulad ng mga call canter at iba pa, o di kaya’y sa pamamagitan ng labor export policy sa hanay ng mga overseas Filipino workers (OFW) – pawang mga patakaran at programang nagpapasidhi sa pambubusabos sa mamamayan.
Upang tunay na magbago ang panlipunang kalagayan, dapat mabago ang esenysa ng lipunan at estado na nagtataguyod sa interes ng iilang naghahari na nagsasamantala sa mayorya ng mamamayang lugmok sa krisis at kahirapan.
PATALSIKIN SI GLORIA! ISULONG ANG PAMBANSA-DEMOKRATIKONG PAKIKIBAKA!
Bilang tugon sa krisis, kailangang kagyat na pakilusin ang daan libong mamamayan para patalsikin ang papet na rehimeng Arroyo at itindig ang isang transisyong konseho na magsisigurong may tiyak na patutunguhan ang tagumpay ng sama-samang pagkilos ng mamamayan. Kasabay nito titiyaking higit na mapapalakas ang kilusang masa na babagtas sa landas ng pambansa-demokratikong pakikibaka. Ito ang kilusang magluluwal ng pangmatagalang pagbabagong panlipunan lipunan at mag-aakay sa bayan sa landas ng tunay na kalayaan at demokrasya.
Napakainam ng kasalukuyang kalagayan upang higit pang ilantad si Arroyo at ang bulok na sistemang panlipunan sa malawak na hanay ng mamamayan. Walang ibang may pinakamalaking pananagutan sa pinakamalalang krisis sa ekonomiya at pulitika kundi ang rehimeng US-Arroyo. Dapat singilin ang rehimen sa mga krimen nito sa mamamayan.
Inaasahang higit pang iigting ang krisis sa ekonomiya dahil na rin sa inutil at tutang administrasyong Arroyo. Gayundin, nananatiling nakaantabay ang mamamayan sa pag-init ng krisis sa pulitika sa pamamagitan ng isyu ng korupsyon at paglabag sa karapatang-tao.
Ang mahigpit na pagkawing sa mga isyung pang-ekonomiya sa mga usapin sa pulitika at panawagang patalsikin si Arroyo ang magiging susi sa inaasahang paglakas ng kilusang masang naghahangad ng makabuluhang pagbabagong panlipunan sa hinaharap.
Dapat nating imulat ang mas maraming bilang ng mamamayan sa pangangailangan ng pambansa-demokratikong pakikibaka na magbabagsak sa kapangyarihan ng iilang naghahari sa bayan at magbubukas ng landas ng tunay na kalayaan, demokrasya at kasaganahan para sa nakararaming mamamayan. ###
Labanan ang tumitinding kahirapan, kurupsyon at panunupil!
Patalsikin at panagutin ang rehimeng US-Arroyo!
Ibagsak ang Imperyalismo, Burukrata Kapitalismo, Pyudalismo!
Makibaka, ‘wag matakot! Isulong ang pambansa-demokratikong pakikibaka!
Mga sanggunian:
Ibon Databank
Ibon Facts and Figures
National Situation, 28 September – 2 October 2007 (BAYAN National Council Meeting)
Hinggil sa Pagtaas ng Presyo ng Langis, Enero 7, 2008 (Bayan)
Hinggil sa Pagtaas ng Presyo ng Langis, Nobyembre 2007 (Anakbayan)
Understanding high power rates under the Arroyo regime, May 7, 2008 (Bayan)
Praymer sa Krisis sa Bigas, Mayo 2008 (Bayan, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas)
KONTRA-KulimVAT Briefer
Notes on recent oil price trends and VAT, Mayo 15, 2008 (Bayan)
Walang Kapantay Na Paglala Ng Krisis Sa Edukasyon Sa Ilalim ng Rehimen ni
Gloria Macapagal-Arroyo, Hunyo 2006 (Anakbayan, LFS, NUSP, CEGP, Kabataan)
Karapatan Monitor, Marso-Hunyo 2008
Si Arroyo at ang lumalalang krisis sa edukasyon, Hunyo 2008 (Kabataang Pinoy)
Tags: Ramdam ang Kaunlaran?